Talumpati ni ILL.’.Pod.’.Her.’.Justice Arturo Brion sa Annibersryo ng Supremo Consejo del Grado 33 Para Filipinas.Bellevue Hotel, Ika 3 ng Hulyo, 6016 v.’.l.’.

“Malugod ko pong binabati ng isang magandang umaga ang lahat”

Tanggapin po ninyo ang aking pasasalamat sapagkat akin ang karangalan na maging tagapagsalita ninyo – kasama si Senador Dick Gordon – sa ika 92 anibersayo ng Supremo Consejo del Grado 33 para Filipinas.

Sariling Wika…

Ako po ay magsasalita sa tagalog sa pagtitipong ito. Sa palagay ko po ay nararapat lamang ito sa pagharap sa isang makasaysayang samahan tulad ng Supremo Consejo.

Ang Supremo Consejo ay nagsimula at sumibol sa lalawigan ng Cavite, gitna ng katagalugan, kung saan nagsimula at lumawig ang himagsikan na nagbigay daan sa kasaysayan ng bansa na ngayon ay ating tinunghayan. Mga kapatirang bumuo ng Supremo Consejo ang nasa gitna ng himagsikan, sa pamumuno ng Kgg na Emilio Aguinaldo, na siya ring namuno sa pagtatatag ng pinagsimulan ng Supremo Consejo.

Ako po ay hindi taga Cavite kundi isang tubo sa kapit-lalawigan ng Laguna, isa sa mga lalawigan ng katagalugan na sumama sa Cavite sa himagsikan. Noong binabalangkas ko po ang aking pahayag sa umagang ito, ay naitanong ko sa sarili – kung sa pinagmulan, sa pinagdaanan at marahil ay sa patutunguhan, ay baon ng lahat sa pagtitipong ito ang ating katagalugan, ay bakit naman tayo ay gagamit pa ng wikang banyaga upang tayo ay magkaintindihan? Di ba malaking paglabag sa batas ng samahan, sa batas ng ating kapatiran, at sa kasaysayang naguugnay sa ating lahat, kung wikang banyaga pa ang mananaig sa ating usapan? Mga Leksiyon Halaw sa mga Bagong Kaganapan

 Nitong mga nagdaang araw, ang kasaysayan ng himagsikan na nagsimula sa ating mga lalawigan, ay nagkaroon na naman ng bagong kaganapan bilang patunay na matatag at matibay ang mga binhi na itinanim ng ating mga nuno noong himagsikan.

Noong a-30 ng Hunyo ay buong katahimikang nagsalin na naman ang ating bansa ng panguluhan – isang patibay na ang demokrasya na minithi ng ating mga nuno ay yumayabong at di maibubuwal ng mga panandaling hidwaan, lalo na ng mga hidwaang politikal noong huling halalan.

 Maliban sa katahimikang umiral, ay ipinakita rin ng pamayanan ng mayroon na tayong isang bayang nagiisip at kumikilos ayon sa kanilang kaisipan.

Mapapansin ninyo na noong mga nagdaang panahon, maraming pagkakataon na ang paghahalal ng pangulo ay halos nakasalalay lamang sa iilang masasalaping tao at sila rin halos ang nagpapasiya kung sino ang mananalo.

Ihambing natin ito sa nakaraang halalan. Ang pinalitan ng ating bagong pangulo ay isang taong may tanyag ng pangalan at buhat sa pamilyang hacendero. Marami rin ang nag-tunggali: ang isa ay lahi ring hacendero; ang isa ay may mataas nang tungkuling pambansa; at ang isa naman ay galing sa lahi na kilala sa pinilakang tabing.

Ang bagong pangulo, kung ihahambing, ay isang mananangol na galing sa isang pamilyang di naman nagu-umapaw sa pananalapi. Siya ay isang punong-lungsod sa malayong Mindanao, isang lokal na tungkulin na malayo sa pambansang tanaw. Sa simula ay atubili siyang magkandidato, at sinabi niya na dahil ito sa kakulangan ng pondo.

 Ngunit sa kabila ng lahat na ito, siya pa rin ang hinirang ng may malaking kalamangan. Nakakagulat na kaganapan kung lilimiin, at nakapagiisip kung ano ang kahulugan sa ating pangmahabang karanasang bayan.

 Ito ba ay patunay na mayroon na tayong gising at nag-iisip na pamayanan at hindi salapi lamang ang kinakailangan upang mahalal sa ating bayan?

Ito ba ay patunay na mamamayan na, at di mga politico, ang pangunahing tinig na ngayon ay pinakikingan?

Ano ba ang maaaring naging batayan ng ginawang pagpili ng ating mga mamamayan?

 Di malayo na nakita ng marami ang anyo at antas ng pamumuhay nila, gayong sinasabi ng mga may kapangyarihan na ang bansa ay tuloy tuloy nagiging mariwasa. Kaya marahil naging tanong nila – kung totoo na tayo ay umuunlad, ay bakit kaming nakararami ay mahirap at ang mga anak namin ay nananatiling hubad? Kami ba ay talagang iniiwanan at kinalilimutan na lamang pagkaraan ng bawat halalan?

Ang iba marahil ay nagtanong din – kung ang bansa ay tahimik at matiwasay, ay bakit laman lagi ng mga pahayagan ay patayan at looban, at sa ating mga kapaligiran ay ang malawakang paggamit ng drogang sumisira sa kabataan at pamayanan? Kung ganito ang kalagayan, ay saan tayo patungo at saan hahantong ang mga mamamayan?

Di kaya pag-iisip na ganito ang naging daan kaya’t ang pagsugpo ng kriminalidad ang isinigaw at kinatigan ng ating mamamayan?

 Di lingid sa marami ang naging kapasiyahan ng ating Kataastaasang Hukuman na nagkakaroon ng pangmalawakang katiwalian sa DAP at PDAF na lumustay sa kaban ng bayan. Di man tahasang umiimik ang ating mamamayan, ay di maaaring di nila ito naramdaman, kaya marahil noong halalan ang boto nila ay naging tahasan.

Iyan, mga kapatid, ang mga nagsusumigaw na pambansang kadahilanan na kimkim sa dibdib ng pamayanan noong halalan, kaya’t sila marahil ay lumihis sa mga dating daan at pumili ng isang katulad na taga-lalawigan na maaring makinig sa kanilang karaingan.

Lilinawagin ko marahil na ang sinasabi ko ay di papuri sa nagwagi na ngayon ay naluklok na at bahagi na ng kasaysayan. Sa halip, ang kinikilala at hinahangaan ko po dito ay ang mga taong humirang sa mga nahalal. Sila ay nagpahalaga sa malayang demokrasya at sila ang tunay na nanalo sa halalang ito. Pumili sila sa larangan ng maraming kandidato na ang mga kakayahan ay di matatawaran, at ginawa nila ito pamamagitan ng malayang pagboto. Kung hahanga man po ako sa isang kandidato, iyan ay papuring ibibigay ko sa ating kapatid na Dick Gordon, ang tamang halal ng mapanuring mamamayan, na ngayon ay balik-Senado.

Iyan, mga kapatid, ang bunga sa taong 2016, ng mga ginawa ng ating mga nuno halos isang daan at dalawampung taon na ang nakalilipas. Atin ang matamis na bunga ngayon, ng punong itinanim nila at dinilig ng hirap, pawis, dugo at buhay.

Tugon Natin sa Mga Leksiyon ng Kasaysayan Lahat ng ito ay sinasabi ko sapagkat hindi naman tayo maaaring taga-kain o naga-tikim na lamang ng matamis na bunga ng tanim ng ating mga nuno. Kung ganyan lamang tayo, ay maaring mamatay ang punong pinagbuwisan nang mahal, at sa atin ang sisi sapagkat sa panahon natin nagkaroon ng kapabayaan.

Kaya’t itanim natin sa ating mga alaala, na tayo ay may ating pananagutan bilang mga anak na tagapagmana: kailangang nating diligin at payabungin pa ang minanang puno ng demokrasya, upang atin itong maisalin na malusog at namumunga sa mga susunod pang lahing magmamana at dito papunta ang aking katanungan sa lahat sa umagang ito. Ano naman kaya ang dapat nating gawin, pansarili man o bilang isang kapatirang mason, upang makadagdag tayo sa panlipunang pagsisikap at makatulong sa bayan at pamahalaan?

 Kung kayo po ay nanood sa telebisyon ng panunumpa ng ating bagong pangulo ay mapapansin niyo ang temamg ibinabandera – Partners for Change. Binigyang kahulugan iyan ng ating bagong pangulo nang sa kanyang talumpati ay walang pasubali niyang sinabi – ako ay magtatagumpay lamang bilang pangulo kung ako ay tutulungan ninyo. Iyan po ang Partners for Change – ang pag-unlad ng bayan ay isang bakasan at tayong lahat ay dapat magbago upang makamit ang katahimikan at kaunlarang ating ibinoto.

Mga Tugon Bilang Mga Mason

 Maaaring iba’t iba at kanya kanya ang ating maging katugunan tungkol sa pagbabago. Ngunit bilang mga Mason ay marahil ay maari tayong magkaisa at magka-samasama sa isang pagtugon na di lilihis at sasang-ayon pa sa ating mga alituntunin.

Ang tinutukoy ko po na maaari natin sama-samang tugunan, ay ang sinasabi ng bagong pangulo na “erosion of trust in government.” Pagguho ng tiwala sa pamahalaan. Maaring susugan ko pa ang sinabi niya at sabihin kong sa pangkalahatan, ito ay dala ng “erosion of values” o pagkawala ng magandang kaugalian.

Ang sinabi ng pangulo ay nakakabahala sapagkat napakaliwanag ng pagkakalarawan niya. Ang gumuguho ay pagtitiwala. At ito ay alam natin sapagkat nakikita natin, na bagot na ang ating mamamayan, di lamang sa kriminalidad at katiwalian, kundi na sa pamamahala ng halal at di halal na may kapangyarihan. Sa isa’t isa man ay maaaring tayo ay nababagot na, sapagkat unti-unting nawawala na ang ating lipunan ang ating kinagisnang magandang asal at paguugali.

Ang sagot ko sa mga pangyayaring ito ay ang ating kapatiran. Alam natin kung ano ang mga mason sa tunay na buhay. Sila ay mga manggagawa na ang kasanayan ay ang pagbubuo at pagtatayo ng mga gusali. Sa ating kapatiran, ang mga manggagawang ito ang ating hambingan, sapagkat ang layunin natin ay bumuo at magtayo din, di nga lamang ng mga tunay na gusali kundi ng gusali ng katauhan. Layon nating magtayo ng matitibay na gusali ng tamang asal at paguugali sa puso at diwa ng bawa’t isa.

Diyan marahil tayo makatutulong sa bayan at pamahalaan, sapagkat ang layon natin ay tulungan ang bawat kapatid at ang simula natin ay sa ating mga sarili. Sa pagtugon natin sa pangulo, bago pa man tayo mag-isip ng tulong sa iba, ay tingnan muna natin ang ating mga sarili at dito natin simulan ang pagbabago.

Ang ating mga sarili – tayo muna at tayo mismo – ang maging tulong natin sa lipunan at sa pamahalaan.

Tayo ang maaaring maging mga halimbawa ng mga mamamayang masunurin sa batas.

Tayo rin ang maaaring pagkunan ng halimbawa ng mga mamamayang nagsisikap bumuhay sa mga alituntunin ng kagandahang paguugali – mga alituntunin na sa pagsasaling-lahi ay nagisnan natin sa ating mga magulang at dapat nating piliting maipamulat naman sa sarili nating mga supling.

Malimit ay pangkaraniwan lamang ang mga alituntuning ito, ngunit malayo ang mararating at matibay ang maitatanim kung sa pangmahabang panahon natin ipagpupunyaging pairalin. Bilang mga halimbawa ay ano kaya kung tuloy tuloy nating itaguyod na manatili ang ugaling paggalang sa matanda at sa kababaihan, ang paggamit ng “po” at “opo,” ang paghalik sa kamay ng mga magulang sa ating pamamaalam at pagdating, ang laging pagsasabi ng totoo at pagtalikod sa anumang pagsisinungaling, at iba pang mga gawi na noong panahong una ay dala ng kaugalian na kung di man tahasang ituro ay tuwina ay namamalas natin.

Di kaila sa atin na ang mga gawing ito ay unti-unti nang nawawala sa ating pang-araw-araw na buhay dahil sa kawalan ng nagpapaalaala. Sayang naman kung basta ito mawawala dahil lamang sa mabilis na ang takbo ng buhay at moderno na ang panahon. Sayang na sayang rin naman sapagkat ito ay malaki ang maidadagdag sa ating mga pagkatao, lalo na kung mga kabataan ang matututo.

Sa pakikipagkapwa tao, bibigyang diin ko na lamang ang mga alituntunin ng ating kapatiran, ang pinakamatibay na makapagbibigay sa atin ng liwanag. Isaisip natin lagi ang sa simula pa ay narinig natin sa ating kapatiran – tayo ay mga galing sa dilim, at sa tulong ng kapatiran tayo dinala at nakakita ng liwanag. Pagyamanin natin ang liwanag na ito at ang paggalang sa isa’t isa, sapagkat ito ay hiram at mutyang dapat isalin at dagdagan pa sa bawat pagsasalin. Ito ang ating makahulugang ambag sa pambansang pagbabago na di matatawaran ng kahit sino.

Sa munting paalaalang ito, ako po ay nagtatapos, bumating muli, at nagpapasalamat sa inyong paanyaya at pakikinig.”

0001019325

 

Print Friendly, PDF & Email