Mga Pinagpipitagan, Kagalang-galang at mga Mahal kong mga Kapatid sa Silangan at sa Magkabilang Panig:

Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat taglay ang init ng aking yakap sa bawa’t isa.

Noong nakaraang linggo sa Gran Tenida dito sa bulwagang ito, naramdaman ng marami sa dumalo ang pag-ibig at pagmamalasakit sa atin ng DLNS, ang Dakilang Amang Diyos. Kaalinsabay na nadama din ang pag-ibig at pagmamalasakit natin sa isa’t isa bilang mga anak Niya at bilang magkakapatid. Ang naranasan natin ay isang katuparan ng saligang adhikain ng Kapatiran na ating kinabibilangan, at ang Banal na Salita na gabay natin tuwina, at nabigyang buhay sa sinapupunan ng Kamasunan na ating ginagalawan. Ang pag-amin sa ating mga pagkukulang at pagmamalabis, sa ating kahangalan, kapangahasan at kasalanan, ay nagbigay daan sa ating pagpapatawad sa isa’t isa, pagkakaunawaan, pagkakasundo at kapayapaan. Sa nangyari, na di galing sa isip ninuman, nanaig ang kapangyarihan ng DLNS sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ang templo ay ang katawan ng bawa’t isa, upang ang hidwaan, sama ng loob at paninirang puri, ay tuluyan nang mapawi sa ating Kasaklawan. Ang kaluwalhatian ng DLNS na palagi nating binibigkas sa ating pag-gawa sa pasimula at pagtatapos, ay nabigyan ng katuturan at kahulugan at napatunayan at napatotohanan na ng Amang Diyos ang Siyang DLNS. Purihin natin Siya at sambahin ang kanyang ngalan, ngayon at mag-pakailanman.

Malinaw sa ating kamalayan na sa pag-gawa natin, may mithiin ang lahat para sa kabutihan, makagawa ng mabuti at ang ugali at gawi ng pagkatao ay bumuti.

Ang kabutihan ay naghari sa kaganapan noong nakaraang Gran Tenida. Nawala ang nagkakasalungatang kaisipan. Sa pamumuno ng Gran Maestre ang galit at poot na bumalot sa ilan ay nalusaw sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos at pag-ibig natin sa kapwa. Naisantabi ang pag-ibig sa sarili at pagmamalaki.

Sa mga ilang katagang binigkas ng pabulong ng Gran Maestre sa aba niyong lingkod, sama sama nating ipinalangin at itinaas sa DLNS ang karamdaman at pag-galing ni DGM Don Valdez, kasama ng aking manugang na may-bahay ni PWM Roman. Nakita ng mga mata natin ang pagkakasundo ng mga nagkasamaan ng loob, pagbabalik loob ang DK na Ramon Caballero, pagyayakapan ng may sigla ng mga mahal na kapatid, kasama ang abang lingkod ninyo at Gran Maestre. Isiniayos ng DLNS ang naglalabang kalooban ng mga kinaukulan, at himalang masasabi na nagbalik ang kahinahunan at katiwasayan, na ang DLNS lamang ang makagagawa, at walang sino man.

Sa payak na pagdiriwang ng ika 95 taon ng pagkakatatag ng SCdG33pF at GLNdF, may kaluwagan ang ating kalooban at nanaig ang liwanag ng bukas, na tunay ngang mapatatag natin hindi lamang ang ugat ng Kapatiran, bagkus ay mapapayabong nating kapit bisig ang binhi ng ating pananampalataya sa iisang Diyos, ang DLNS. Ang nangyari ay sadyang nagpaigting ng kahalagahan ng ating pagdiriwang ngayon.

Nasasaad sa Codigo Masonico:

1. Sumamba sa Kalaki-lakihang Lumalang ng Sanglibutan.
2. Ang tunay na pagsamba na inihahandog sa Kalaki-lakihang Lumalang ay kailangang pangunahan ng mabuting mga gawain”.

Sa Banal na Aklat ay sinasabing:

“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan? Sumagot si Jesus, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta”. (Mateo 22: 36-40)

Tumimo nawa sa ating katauhan na may lakas sa pagkakaisa, at may pagkakaisa sa pananampalataya. Huwag tayong bumitaw sa pananampalatayang iyan. Isabuhay natin ang Banal na salita.

Tatlong yakap ng Kapatiran. Purihin ang DLNS, sa ngalan ni Hesus!


Hermano RAMON S. ESGUERRA
Nakaraang Soberano Gran Comendador
Ika 95 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng
Supremo Consejo del Grado 33﮿
para Filipinas
4 Hulyo 6019

L.*.I.*.F.*.

Print Friendly, PDF & Email